Panalangin Para Sa Bayan

PANALANGIN PARA SA BAYAN

Ama naming makapangyarihan at mapagmahal,
tinipon mo kami sa ngalan ng iyong Anak na si Hesus. 
Padaluyin mo sa amin ang iyong awa at biyaya sa panahon ng aming pangangailangan.
Imulat mo ang aming mga mata sa kasamaang aming nagawa.
Patawarin mo kami sa mga pagkukulang naming maging mabuti at makatarungan.
Himukin mo ang aming mga puso at akayin mo kami pabalik sa iyo.

Dumudulog kami na mawakasan na ang karahasan dulot ng masasakit na salita, mapanirang paratang, nakamamatay na sandata, o pagbubulag-bulagan. 
Nawa’y maging kanlungan ng iyong kapayapaan
ang aming mga tahanan, ang aming bayan, at ang buong mundo.

Biyayaan mo kami upang makita namin sa bawat tao ang isang anak ng Diyos
anuman ang kulay, wika, o kultura
kahit na ang mga drug addict, kriminal, at makasalanan.

Pagkalooban mo kami ng lakas na hubugin ang aming mga anak at kabataan
na harapin ang mga pagkakaiba at alitan
sa mapayapa at magalang na pamamaraan. 
Nawa’y maging huwaran ang mga nakatatanda
ng marangal at matuwid na pamumuhay.

Ipinagkakatiwala namin sa iyong awa ang mga may galit sa Simbahan
at tumutuligsa sa pananampalatayang Katoliko. 
Tanglawan mo ang kanilang mga isipan ng liwanag ng iyong katotohanan. 
Himukin mo ang kanilang mga puso ng iyong pag-ibig.

Gabayan mo ang mga lingkod bayan na maipagtanggol,
mapangalagaan, maisulong, at maitaguyod ang halaga ng bawat tao. 
Kilalanin ka nawa nila bilang Diyos na Bukal at Panginoon ng Buhay.

Himukin mo ang puso ng mga nambubusabos sa kapwa
at inilalagay ang batas sa kanilang mga kamay. 
Himukin mo ang budhi ng mga nagsasagawa ng mga karumaldumal na krimen,
karahasan, at walang saysay na pagkitil sa buhay ng tao.      
Akayin mo silang isantabi ang katigasan ng kanilang puso
at mga kasangkapan ng pamiminsala.
Inaalala rin namin ang kapulisan at ang mga nagbubuwis ng buhay
upang tiyaking ligtas ang lahat. 
Maging kasangkapan nawa sila ng patas at makatarungang pagpapatupad ng batas
na gumagalang sa karangalan ng tao,
nagsusulong ng katotohanan, kapayapaan, at kapakanan ng lahat sa lipunan.

Itinataas namin sa iyo ang mga obispo, pari, relihiyoso, at layko
na nagdurusa dahil sa maling paratang at pag-uusig
dahil sa kanilang paninindigan sa pananampalataya at katarungan. 
Pagkalooban mo sila ng banal na kagalakan at kapanatagan
na magtatawid sa kanila sa madidilim na gabi ng paghihirap.

Tanggapin mo sa iyong hapag sa kalangitan
ang mga napaslang sa mga marahas na organisadong pagpatay
kasama ang mga paring nagbuwis ng buhay
sa pagsusulong ng katotohanan at katarungan.

Kasama ni San Pablo aming sinasambit,
“Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit ‘di kami nalulupig.
Kung minsa'y nababagabag kami, ngunit ‘di nawawalan ng pag-asa.
Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon.
Napapabagsak kami, ngunit ‘di tuluyang napapatay.
Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Hesus,
upang sa pamamagitan ng aming katawan
ay mahayag ang kanyang buhay” (2 Corinto 4:8-10).

Dahil kapiling ka namin, Panginoon,
walang anumang naganap na o darating pa
ang makaaagaw sa aming pag-asa kay Kristo.
Nagtitiwala kami sa iyong walang maliw na pagmamahal.
Ikaw lamang ang makahihilom ng mga sugatang puso.
Ikaw lamang ang makapagpapatahan sa aming pagluha.
Ikaw lamang ang makapagbibgay sa amin ng kapayapaan.
Ikaw lamang ang makapagkakaloob ng lakas upang kami ay magpatuloy.
Palakasin mo ang mga pinanghihinaan ng loob
at bigyan ng katiyakang walang imposible o hindi mapangyayari sa iyo.
Puspos ng Espiritu Santo, lumalim nawa ang aming pag-ibig at malasakit sa bawat isa.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen.

Maria, Ina ng Pag-asa, ipanalangin mo kami.
San Miguel Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Juan Vianney, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
Beato José María de Manila, ipanalangin mo kami.
Beato Justo Takayama Ukon, ipanalangin mo kami.


Circular on PRAYER for the NATION
Circular No. 2019-34
1 August 2019

http://rcam.org/index.php/component/k2/item/513-circular-on-prayer-for-the-nation
Share:

0 Comments:

Post a Comment

Recent Posts

Facebook Page