Isang Panawagan para sa Pamamayani ng Awa at Ikapagbabago ng Bayan

PAMBANSANG ARAW NG PANALANGIN AT PAGSISISI NG BUONG SAMBAYANANG PILIPINO

Isang Panawagan para sa Pamamayani ng Awa at Ikapagbabago ng Bayan


Leader:

Panginoon naming Pastol, pakinggan Mo ang daing ng Iyong bayang Pilipinas na ngayo’y naglalakad sa lambak ng kadiliman. Lumalapit kami sa Iyo ngayong araw, nagpapakumbaba at nagmamakaawa, gaya ng isang tupang nahulog sa bangin, kumakapit nang mahigpit sa isang marupok na sanga, at humihingi ng saklolo.


All:

Iligtas Mo kami, Panginoon, sapagkat kami’y nalulunod!


Leader:

Tulad ng mang-aawit sa Salmo, dama naming kami’y lumulubog sa kumunoy (Awit 69:2), nilulunod ng baha ng katiwalian, gaya ni Propeta Jeremias na nabaon sa putik ng balon (Jer 38:6). Inaamin namin, O Panginoon, nang may durog na pusong nagsisisi, gaya ng panalangin ni Baruc:

“Kami’y nagkasala laban sa Panginoon, naging suwail, at hindi namin pinakinggan ang Kanyang tinig” (Bar 1:18–19). Kaawa-awa na ang naging kalagayan namin: ang mga magnanakaw ay nagmamayabang sa kanilang kayamanan, ipinangangalandakan ang magagarang sasakyan, mga alahas na milyonmilyong piso ang halaga, at mga nagpapasasa sa hapunang katumbas ng ilang taong sahod ng isang obrero. At kami rin, O Diyos, sa maliliit man o malalaking pagkukulang, ay naging dahilan ng paglaganap ng dilim:

—sa pag-aabot ng lagay sa fixer at sa pulis-trapiko,

—sa pagtanggap at pagpapalaganap ng kasinungalingan at pekeng balita,

—sa pagtanggap ng mga donasyon mula sa mandarambong at mapang-abuso,

—sa pananahimik sa harap ng kawalang-katarungan alang-alang sa kaginhawahan.

Patawarin Mo kami, Panginoon, sapagkat hinayaan naming ang masama ay maghari sa aming lipunan.


All:

Maawa Ka sa amin, O Diyos, ayon sa Iyong wagas na pag-ibig! (Awit 51:1)


Leader:

Nilulunod kami, Panginoon, ng mga kalamidad—baha, lindol, sunog, bagyo. Ngunit higit pa rito ang mga sugat na gawa ng aming sariling kamay: ang kahindik-hindik na mga insertions sa badyet na nagkait ng pondo para sa kalusugan, edukasyon, at kapakanan ng mga mahihirap; ang mga proyektong depektibo na humahadlang sa tunay na pag-unlad; ang mga pamilyang pulitiko na parang bagong mga pyudal na panginoon, na nagpapanatili sa bayan sa kahirapan at umaasa sa ayuda— isang bansang sagana sa buwis ngunit nananatiling dukha dahil sa pulitika ng pagpapatron.


All:

“Kung ang aking bayan na tinatawag sa aking pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin,

hahanapin ang aking mukha at tatalikod sa kanilang masasamang gawa, diringgin ko sila mula sa

langit at pagagalingin ko ang kanilang lupain” (2 Cron 7:14). Pagalingin Mo ang aming bayan, O

Panginoon!


Leader:

Minsan Mong ipinahayag kung ano ang mabuti at hinihingi Mo sa amin: “ang gumawa ng katarungan, umibig sa awa, at lumakad nang mapagpakumbaba kasama Mo” (Mikas 6:8). Kami’y nabigo, ngunit hindi kami mawawalan ng pag-asa, sapagkat sinabi ni Apostol Pablo: “Ang pag-asa ay hindi nagbubunga ng pagkadismaya, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (Roma 5:5). Hindi Mo kami nilikha para sa kasamaan kundi para sa kabutihan; tinubos Mo kami at binihisan ng bagong pagkatao kay Kristo (Gal 2:20; Ef 4:24).


All:

Halina, Espiritu Santo, baguhin Mo ang mukha ng daigdig, baguhin Mo ang puso ng aming bayan! (Awit 104:30)


Leader:

Hipan Mo kami ng tapang na bumangon laban sa kasakiman at kapangyarihan, at gisingin Mo ang mas mataas naming udyok na kumalinga, magmalasakit, mahabag, at magmahal nang walang kondisyon. Hayaang ang kaligtasan ng pinakamahina, hindi lamang ng pinakamalakas, ang maging tanda ng aming pagkatao. Pagkalooban Mo kami ng lakas upang magtayo ng isang Pilipinas na puno ng katotohanan, katarungan, at habag.


All:

Ama, dinggin mo kami sa pamanagitan ni Kristong Anak mo, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen

Mahal na Birhen ng Santo Rosario, aming Ina, sa iyong mga kamay ay aming ipinagkakatiwala ang mahal naming bayan.

Amen.



Share:

0 Comments:

Post a Comment

Recent Posts

Powered by Blogger.

Facebook Page